Eto na naman ako Unti-unting gumigising ang ulirat Bago pa man imulat ang mga mata Nag-uunahang mga tanong ang bumabangon na Anong aking haharapin ngayon? Paggunita ng mga planong nakabilanggo? Pagluluksa sa mga pangarap na sa bawat sandali ay naglalaho? O pag-alala sa mga minamahal na napakalayo? Mula sa aking munting piitan Nadampian ako ng hangin at nasilaw sa liwanag Natanaw ko ang mga kulay ng buhay Narinig ko ang hiyawan at tawanan ng mga nagdaraan Naamoy ko ang kape mula sa kusina At halimuyak ng bulaklak sa may bintana! Sisilip muli ang nahimlay na araw Pagkaraan ng mapang-aping dilim Buhay pa rin ako Lumuluha, nagdurugo, nagdadalamhati! Humahalakhak, umiibig, umaawit! Ngunit higit sa lahat, nagtatanong, kumikilos, at lumalaban! Lahat ito, dala ng pag-asang dulot ng Poong Maykapal! 18 Agosto 2021