Bakit ang layo mo nanaman?


                       Isang tanong na marahil ay hindi magkakaroon ng kasagutan kailan man...


Mula sa dalampasigang
Binabagabag ng mga alon
Tinalikuran kita 
Hindi tinangkang tanawin ni minsan
Ang bulubunduking 
Na sa iyo’y kumubli. 

Pinili nating paghiwalayin tayo
Ng malawak na karagatan, 
Ng makapal na ulap
Ng mga matatalas na tunog ng kalikasan
At nagtagumpay ang katanimikan 
Sa di masukat na panahon.

Ngunit sa hindi inaasahang araw
Napawi ang makapal na ulap 
Dumungaw ang araw sa aking ulirat
At narinig ko ang pagbulong mo
Ng aking pangalan.

Sana’y di ko hinayaang tumungo 
Ang pang-uusisa sa pagkabalisa
Hindi ko sana tinugunan
Ang mga pakiusap mong alalahanin ang kahapon
Hindi ko sana tinangkang angkinin
Mga kasagutang matagal mong ipinagkait.

Dahil di nagtagal, ika’y naglaho
Nang walang paliwanag at
Lumayo nang walang paalam
Muli, tumungo ka nanaman sa di matanaw
Sa dahilang di ko maunawaan at 
Katotohanang di ko na tatangkaing abutin. 

Gusto ko sanang sabihin na
Sana’y maging maligaya ka
At matamo ang kapayapaang hinahanap mo. 
Ngunit dahil sinaktan mo muli ako
At iniwan sa karimlan
Nagtataka, nagtatanong
Iba ang nanaisin ko para sa iyo

Sana’y balutin ng lamig at
Mahapding kirot ang iyong puso
Ang iyong mga gabi, puno ng pangamba
Pagdaanan lahat ng naramdaman ko

At maiibsan lamang lahat ito
Sa iyong pag-amin sa mga mapait na kasinungalingan mo
At paghingi ng tawad sa iyong mga tuhod
Para sa kalupitan mo! 


Comments

Popular posts from this blog

Like butter, slowly melting

The Fear of Excess

Falling out of Love?